Nanawagan si University of the Philippines Diliman College of Media and Communication Professor Danilo Arao na patuloy na pahalagahan at ipagtanggol ang papel ng media sa demokrasya kasunod ng mga batikos laban sa mga mamamahayag at usapin hinggil sa panukalang Social Media Screening ng Estados Unidos para sa mga banyagang aplikante at bisita.
Sa panayam sa programang Bombo Radyo Naga kay Professor Danilo Arao, University of the Philippines Diliman, sinabi nito na hindi dapat nilalahat ang mga pagkukulang ng ilang media organization upang batikusin ang buong industriya ng pamamahayag.
Ayon kay Arao, bagama’t hindi perpekto ang media at may mga dapat itama, nararapat na tukuyin ang partikular na pagkakamali ng isang organisasyon o indibidwal sa halip na husgahan ang buong hanay ng mga mamamahayag.
“Hindi naman perpekto ang media, pero dapat ang kino-call out natin ay iyong mga specificong gawain ng mga partikular na news media organization,” ani Arao.
Ipinaliwanag din ng media professor na mahalaga ang papel ng mga mamamahayag sa paghahatid ng impormasyon at paghubog ng opinyong pampubliko. Aniya, bagama’t maraming media organization ang may komersiyal na operasyon, hindi nangangahulugan na pera lamang ang pangunahing layunin ng mga mamamahayag.
Giit niya, sinusunod ng mga seryosong journalist ang pamantayang etikal ng propesyon at walang intensiyon na magpakalat ng maling impormasyon para lamang sa kita.
“Walang intensyon ang matitinong periodista na magpakalat ng disinformation. Kahit na offeran sila ng malaking pera para magpakalat, hinding-hindi nila gagawin iyon,” ani Arao.
Samantala, kaugnay ng pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) laban sa mga pag-atake sa media, sinabi ni Arao na mahalagang ipagpatuloy ang paglilinaw sa publiko tungkol sa papel ng pamamahayag.
Aniya, dapat kilalanin ang ambag ng media lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng mabilis at tumpak na impormasyon.
Tinalakay rin ni Arao ang iniulat na plano ng Estados Unidos na palawakin ang social media screening sa mga banyagang mamamayan, kabilang ang posibilidad na hilingin sa mga aplikante na gawing pampubliko ang kanilang social media accounts.
Ayon sa kanya, maaaring makaapekto ito sa karapatan sa privacy ng mga indibidwal, lalo na sa mga walang social media account o may limitadong access lamang ang kanilang mga post.
“May karapatan ang kahit sinong bansa na mag-impose ng restrictions, pero ang human rights ay universal. Hindi puwedeng sabihin na wala silang pakialam sa right to privacy,” ani Arao.
Binanggit din niya na maaaring magkaroon ng epekto ang naturang polisiya sa mga Pilipinong mamamahayag na kailangang bumiyahe sa Estados Unidos para sa kanilang trabaho.
Paliwanag niya, maaaring magamit laban sa mga journalist ang kanilang mga pampublikong pahayag o ulat, lalo na kung kritikal ang kanilang mga nasulat o naiulat tungkol sa isang bansa o institusyon.
“Pati personal nilang buhay ay mabubusisi dahil sa ganitong klaseng restriction,” dagdag niya.
Hinikayat ni Arao ang publiko na maging mapanuri ngunit responsable sa pagbibigay ng puna sa media.
Aniya, mahalaga ang constructive criticism upang maitama ang mga pagkakamali at mapabuti ang kalidad ng pamamahayag, ngunit hindi dapat gamitin ang kapangyarihan o impluwensiya upang pahinain ang tiwala sa media.
Binigyang-diin ni Arao na ang malayang pamamahayag ay mahalagang bahagi ng demokrasya at dapat itong pangalagaan ng publiko at ng pamahalaan.








