Pinuna ni Melania Trump ang late-night host na si Jimmy Kimmel matapos ang umano’y mapanirang biro nito sa isang segment ng kanyang programa, na ayon sa First Lady ay lalo lamang nagpapalala sa hidwaan sa pulitika sa Amerika.
Sa isang segment ng kanyang show, nagbiro si Kimmel tungkol sa isang “alternative monologue” kung saan tinukoy si Melania na may “the glow of an expectant widow,” na umani ng reaksyon mula sa kampo ng First Lady.
Hindi rito natapos ang naturang bahagi ng programa, dahil nagbanggit din si Kimmel ng biro kaugnay kay Jeffrey Epstein bilang bahagi ng isang “impression,” na nagdagdag sa kontrobersiya ng kanyang monologo.
Bilang tugon, naglabas ng pahayag si Melania sa social media platform na X (dating Twitter), kung saan iginiit niyang hindi maituturing na komedya ang naturang pahayag. Aniya, “His monologue about my family isn’t comedy – his words are corrosive and deepens the political sickness within America.”
Dagdag pa ng First Lady, hindi na umano dapat pinapayagan sa telebisyon ang ganitong uri ng biro at nanawagan siya sa American Broadcasting Company (ABC) na kumilos laban sa host dahil sa umano’y pagpapakalat ng “hate.”
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang ABC kaugnay sa insidente.
Matatandaang ilang ulit nang naging kritikal si Kimmel sa administrasyon ni Donald Trump, lalo na sa mga usaping politikal at panlipunan, na madalas nagiging paksa ng kanyang mga monologo sa telebisyon.














