NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos na masanggi ng isang elf truck ang isang mini truck at tuluyan pang mabangga ang isang bahay sa Zone-4 Brgy. Del Pilar, San Fernando Camarines Sur.
Kinilala ang binawian ng buhay na isang tatlong taong gulang na batang lalaki, habang ang mga sugatan naman ay isang limang taong gulang na bata, at sina Robert Visaya, 27-anyos, at Giraby Visaya, 26-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ni Arthuro Valenzuela, 54-anyos, residente ng Canlapan St. Barangay-7, Batangas City Batangas, sakay ng minamaneho nitong mini truck ng aksidente itong masanggi nang kasalubong nitong elf truck na minamaneho naman ni Enrico Lacuin, 36-anyos, residente ng 45 Purok-1 National Road Tugos, Sorsogon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nag-overtake ang elf truck sa isa pang sasakyan na nagin dahilan upang makain nito ang linya ng kasalubong nitong mini truck.
Dahil dito, nahulog sa gilid ng kalsada ang elf truck at nabangga pa ang bahay ng mga biktima na natutulog nang mangyari ang nasabing insidente.
Sa ngayon, patuloy pang nagpapagaling ang mga biktima habang nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang mga suspek para sa magkakanigong disposisyon.