NAGA CITY – Pinag-aaralan na ngayon ng mga awtoridad kung mayroon bang mananagot sa pagkamatay ng isang menor de edad sa Calauag, Quezon matapos aksidenteng mabaril ang kanyang sarili.
Mababatid na binawian ng buhay ang isang 13-anyos na binatilyo matapos na aksidenteng makalabit ang gatilyo ng caliber 45 na baril.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Pelagio Saludes ang Deputy Chief of Police ng Calauag Municipal Police Station, sinabi nito na isinama lamang ang biktima ng 14-anyos nitong pinsan sa binabantayan nitong bahay na pagmamay-ari naman ni Earl Paolo Litardo.
Aniya, habang naghahanda sa pagtulog ang magpinsan nang makita ng biktima ang baril sa loob ng aparador na kinuhanan nila ng mga gagamitin sa pagtulog.
Dito na kinuha ng biktima ang baril at pinaglaruan, at ayon sa pinsan sinubukan pa umano nitong sawayin ang biktima ngunit hindi nito pinansin ang nasabing babala. Lumabas umano sandali sa kwarto ang pinsan at dito na nga itinutok ng biktima sa kanyang sintido ang baril.
Kalaunay, narinig na lamang ng pinsan nito ang malakas na putok ng baril kung kaya agad itong tumakbo patungo sa direksyon ng tunog. Dito na tumambad ang duguan at wala ng buhay na biktima.
Sa kabila nito, sinagot naman ng may-ari ng baril ang gastusin sa pagpapalibing sa biktima. Sa ngayon, hinihintay pa ang desisyon ng pamilya kung magsasampa pa ang mga ito ng kaso laban kay Litardo.