NAGA CITY – Sugatan ang isang menor de edad na babae matapos na mahagip ng motorsiklo sa Purok 2, Barangay Alayao, Capalonga, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na isang 14-anyos na dalagita, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provicial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Mark Roland Calzado, 29-anyos, residente ng Purok 1A, Barangay Itok sa naturang bayan na sakay ng kaniyang motorsiklo ng mag-overtake ito sa isang behikulo at nahagip ang bisikleta na sinasakyan ng biktima.

Dahil sa nasabing insidente, natumba ang bisikleta ng biktima sa sementadong kalsada dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Agad naman itong dinala sa ospital para sa karampatang asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang drayber ng motorsiklo para sa karampatang disposisyon.