Pinahanga ng mga Filipina candidates ang audience sa preliminary evening gown competition ng Miss Grand International All Stars na ginanap sa Bangkok, Thailand nitong Miyerkules.
Nanguna sa mga Pilipinang kandidata si Gazini Ganados matapos makapagtala ng average score na 9.39 mula sa walong hurado. Kapansin-pansin ang kanyang emerald green fitted gown na tinernuhan ng bright pink shawl habang nakakuha siya ng pinakamataas na score na 9.9.
Pumangalawa naman si Imelda Schweighart na may average score na 8.65, habang sumunod si Fuschia Anne Ravena na nagtala ng 8.26 average score sa suot nitong off-shoulder beige gown na may hanging beads.
Nakapagtala rin si Keylyn Trajano ng average score na 7.61 habang may 6.91 naman si Alexia Nuñez sa kanilang evening gown performances.
Ang Miss Grand International All Stars ay bukas para sa mga kababaihan at trans women na edad 20 hanggang 40 na dati nang sumali sa international pageants. Nakatakdang idaos ang coronation night sa Mayo 30 sa Bangkok, Thailand.














