NAGA CITY- Inaasahang haharap na ngayong araw sa Senado ang mga itinuturo na umano’y mastermind sa ‘pastillas scheme’.

Ito’y matapos ang ilang beses na hindi pagsipot ng mga ito sa senate hearings.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Senator Risa Hontiveros, sinabi nito na una na nilang pinadalhan ng subpoena ang ilang mga matatas na opisyal na dawit sa pastillas scheme maging ang mula sa Bureau of Immigration na una naring pinangalanan ng whistleblower.

Ngunit bigo umano ang mga itong magpakita sa mga nakalipas na hearing.

Dahil dito ayon kay Hontiveros, ngayong araw umano ay inobliga na ng senado ang mga ito upang ganap ng masagot ang mga tanong sa likod ng ‘pastillas scheme’ at Visa Upon Arrival scheme.

Nabatid na dadalo ang ilan sa mga ito sa pamamagitan ng personal na pagpunta sa Senate Session Hall habang ang iba naman ay sa pamamagitan na lamang ng virtual appearance.

Sa ngayon umaasa umano si Hontiveros sa ika pitong senate hearing ay ganap ng masasagot ang mga kinakailangang impormasyon hinggil sa ‘pastillas scheme’ issue sa loob ng nasabing ahensya.