Nagbabala ang Associated Labor Union – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na posibleng kasuhan ang mga kompaniyang magsasamantala sa isyu ng 13th month pay deferment na pinalutang ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay ALU-TUCP spokesman Alan Tanjusay sa panayam ng Bombo Radyo Naga, agad na silang sumulat kanina sa tanggapan ni Labor Sec. Silvestre Bello III, para sabihing maghinay-hinay sa mga inilalabas na pahayag ukol sa 13th month pay dahil malinaw na nakasaad sa batas ang pagkakaloob nito sa mga manggagawa.
Sa halip aniyang magbigay ng nakalilitong pananaw sa isyu, mas mainam na makipag-dialogo na lang ang DOLE sa mga kompaniya at grupo ng mga manggagawa.
Giit nito, hindi lang employers ang apektado ng COVID-19 pandemic, kundi maging ang mga trabahador.