Nanawagan ang ilang mambabatas ng oposisyon sa Kamara para sa agarang imbestigasyon sa panukalang Reframed General Education Curriculum ng Commission on Higher Education (CHED) na magbabawas sa mga kasalukuyang General Education (GE) subjects tulad ng Philippine History, Art Appreciation, Mathematics, at Science and Technology.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 999, hiniling nina House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang pagsasagawa ng congressional inquiry kaugnay ng naturang panukala ng CHED.
Ayon sa mga mambabatas, posibleng mabura ang mahahalagang asignaturang humuhubog sa kritikal na pag-iisip, kamalayang pangkasaysayan, at pananagutang panlipunan ng mga estudyante.
Sinabi rin nila na tila nakatuon umano ang bagong curriculum framework sa pangangailangan ng merkado at trabaho kaysa sa holistikong edukasyon.
“Market-driven at job-centric” umano ang panukala ng CHED dahil binibigyang-diin nito ang digital literacy, entrepreneurial competencies, at global citizenship habang isinasantabi ang pag-unawa sa kasaysayan, kultura, at etika.
Nagbabala rin ang mga mambabatas na maaaring maapektuhan ang seguridad sa trabaho ng mga guro, lalo na ang mga nagtuturo ng humanities courses sa mga pribadong unibersidad.
Ayon sa panukala ng CHED, magiging 18 units na lamang ang minimum GE requirement sa mga higher educational institutions, habang maaaring dagdagan ito hanggang 36 units ng mga autonomous na paaralan.
Kabilang sa mga pangunahing GE subjects na mananatili ay Professional Communication, Global Trends and Emerging Technologies, Data, Evidence, and Ethics in a Knowledge Society, Rizal and Philippine Studies, at Labor Education.
Samantala, sinabi ng mga mambabatas na wala umanong malinaw na plano ang CHED para sa proteksyon ng mga guro na maaaring mawalan ng teaching load at trabaho dahil sa pagbabawas ng mga asignatura.
Iginiit naman ni Edizon Fermin, chairperson ng Technical Panel for CHED General Education, na nananatili pa lamang panukala ang nasabing curriculum at patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga puna at mungkahi mula sa iba’t ibang sektor.
Dagdag niya, hindi umano ipatutupad ng CHED ang anumang pagbabago sa polisiya nang hindi natatapos ang malawakang konsultasyon sa mga stakeholder.














