Hiniling ng Common Legal Representatives of the Victims (CLRV) sa International Criminal Court (ICC) na manatiling nakakulong sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nililitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.
Sa siyam na pahinang obserbasyon na inihain noong Mayo 8, 2026 sa Trial Chamber III, sinabi ng kampo ng mga biktima na mahalagang manatili si Duterte sa detensyon upang matiyak ang kanyang pagdalo sa paglilitis matapos pagtibayin ng ICC ang lahat ng sakdal laban sa kanya.
Ayon sa CLRV, hindi dapat maliitin ang posibilidad na tumakas ang dating pangulo dahil sa kanyang hayagang pagtanggi sa hurisdiksyon at pagiging lehitimo ng ICC.
Iginiit din ng mga abogado ng mga biktima na maaaring maapektuhan ang tiwala ng mga pamilya ng mga nasawi sa proseso ng hustisya kung palalayain si Duterte. Anila, maaari rin itong magbigay-lakas ng loob sa kanyang mga tagasuporta upang manakot o magbigay ng pressure sa mga biktima at testigo.
Samantala, humiling naman ang depensa ni Duterte na muling pag-aralan ng korte ang kanyang detensyon dahil umano sa kanyang kondisyon sa kalusugan. Ayon sa kampo ng depensa, ilang beses nang nawalan ng balanse at bumagsak ang dating pangulo habang nakakulong, at minsan pa umanong isinugod sa ospital.
Binanggit din ng depensa ang mga probisyon ng Rome Statute na nagsasabing dapat regular na repasuhin ng Trial Chamber ang desisyon hinggil sa detensyon o paglaya ng isang akusado.
Noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng mga pagpatay sa kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Inaasahang personal na haharap si Duterte sa paglilitis alinsunod sa Article 63 ng Rome Statute na nag-uutos na dapat naroroon ang akusado sa panahon ng trial.
Pinahintulutan na rin ng ICC ang 539 na biktima na lumahok sa mga pagdinig, habang itinalaga bilang kanilang kinatawan sina mga abogadong sina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Paolina Massidda.
Noong Abril 29, humiling ang depensa ng pahintulot upang iapela ang desisyon ng ICC na nagpapatibay sa mga kaso laban kay Duterte, ngunit tinutulan ito ng prosekusyon at ng kampo ng mga biktima sa magkahiwalay na pagsusumite noong Mayo 4.
Samantala, humiling din ng pahintulot si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman na umatras bilang abogado ni Duterte matapos umanong pumili ang dating pangulo ng bagong legal counsel. Sinabi rin ni Kaufman na nagtapos na noong Marso 31, 2026 ang kanyang isang taong kontrata bilang abogado ng dating pangulo.














