Nananawagan ng hustisya at pananagutan ang mga pamilya ng mga biktima dalawang araw matapos ang pagbagsak ng isang gusali sa Angeles City, Pampanga kung saan mahigit isang dosenang katao pa ang nawawala at pinangangambahang nasawi.

Ayon sa mga awtoridad, inilipat na sa retrieval operations ang search and rescue efforts nitong Martes, Mayo 26, matapos ang dalawang araw na paghahanap sa mga posibleng nakaligtas sa trahedya.

Tinatayang hindi bababa sa 16 katao ang pinaniniwalaang nasawi sa insidente.

Iginiit ng mga pamilya ng mga biktima na dapat managot ang engineer at may-ari ng siyam na palapag na gusaling bumagsak.

Advertisement

Sinabi ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo na nakipag-ugnayan na ang site engineer sa mga awtoridad upang magsumite ng listahan ng mga manggagawang nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano nagpapakita ang may-ari at contractor ng gusali upang magbigay ng paliwanag hinggil sa nangyaring pagbagsak ng istruktura.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga rescuers at lokal na pamahalaan habang isinasagawa ang retrieval operations sa lugar ng trahedya.

Advertisement