Nanawagan ang mga pamilya ng mga beterano ng World War II para sa dagdag-pensiyon ng natitirang mga bayani ng digmaan at kanilang mga surviving spouse kasabay ng ika-84 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, habang patuloy na lumiit ang bilang ng mga buhay na beterano sa bansa.

Ayon kay Mike Villa-real, national executive president ng Veterans Federation of the Philippines Sons & Daughters Association, Inc., nasa humigit-kumulang 440 na lamang ang natitirang buhay na World War II veterans hanggang Marso 2026. Giit niya, kailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng batas upang madagdagan ang kanilang buwanang benepisyo.

Sa kasalukuyan, tumatanggap ang mga beterano ng ₱20,000 buwanang old-age pension at ₱1,700 na disability pension, habang ₱5,000 kada buwan naman ang natatanggap ng kanilang mga asawa. Ayon kay Villa-real, “Legislation talaga ang kailangan… ang hinihingi lang po namin is at least kahit surviving spouse at 400-plus veteran [may dagdag pension],” at iginiit na hindi naman ito malaking bahagi ng national budget.

Kaugnay nito, naghain si TUCP party-list Rep. Reymond Mendoza, na siya ring presidente ng asosasyon, ng House Bill 3503 na layong ideklara ang buwan ng Abril bilang “Philippine Veterans’ Month” at higit pang palakasin ang pagkilala at mga programa para sa mga beterano.

Advertisement

Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ang patuloy na pag-alalay ng pamahalaan sa mga beterano, at binigyang-diin ang kanilang sakripisyo para sa kalayaan ng bansa.

Sa hiwalay na ulat, kinumpirma rin ni Villa-real ang pagpanaw ni Teofilo Gamutan Sr., itinuturing na pinakamatandang WWII veteran sa Davao City, na pumanaw noong Abril 3. Inilarawan siya ng kanyang pamilya bilang isang taong may pananampalataya, dangal, at kababaang-loob na nag-iwan ng halimbawa ng kabutihan sa kanyang komunidad.

Advertisement