Nanatiling kalmado ang sitwasyon sa Bahrain ayon sa ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa kabila ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
Sa panayam ng ng Bombo Radyo Naga kay Magdalena Belga Astillero Bombo International News Correspondent mula Bahrain, ibinahagi nito na bagama’t may mga nakaraang insidente ng pagsabog, sa kasalukuyan ay tahimik at normal pa rin ang pamumuhay sa kanilang lugar.
Ayon kay Astillero , nakakalabas pa rin sila ng bahay at nakakapunta sa mga mall kasama ang kanilang mga anak. Patuloy pa ring gumagana ang transportasyon at hindi pa naapektuhan ang suplay ng kuryente, tubig, at pagkain. Gayunpaman, aminado siyang may pangamba ang mga Pilipino roon, lalo na matapos ang mga pahayag ni Pangulong Donald Trump hinggil sa Iran at ang posibilidad ng kaguluhan sa Strait of Hormuz.
Ipinahayag din ni Astillero na may ilang kababayan na nag-request ng repatriation dahil sa takot. Wala pang direktang kanselasyon ng mga flight mula Bahrain, ngunit ang mga nais umuwi ay dumadaan muna sa Saudi Arabia bago makabalik sa Pilipinas.
Dagdag pa nito, mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ng Bahrain ang pagkuha at pag-post ng mga video kaugnay ng operasyon ng militar upang hindi malaman ng kabilang panig ang aktwal na sitwasyon. Sa kabila nito, nananatiling maayos ang komunikasyon at internet connection sa bansa.














