Ipinagpapatuloy ng pamunuan ng Barangay Cararayan ang iba’t ibang proyekto sa kabila ng nalalapit na pagtatapos ng termino ng kasalukuyang opisyal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rodrigo Agravante Jr. Punong Barangay ng Barangay Cararayan Naga City, sinabi nito unti-unti nang nakikita ang progreso ng mga proyekto sa barangay, kabilang na ang mga programang tumutulong sa mga estudyante, partikular ang pagbibigay ng scholarship sa mga kwalipikadong indigent na kabataan sa ilalim ng Sangguniang Kabataan (SK).
Samantala, patuloy pa rin ang road construction project sa lugar na pinondohan sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nilinaw ng opisyal na ang proyekto ay multi-year at inaasahang matatapos pa sa mga susunod na taon.
Dahil sa konstruksyon, aminado ang barangay na nagdudulot ito ng abala sa mga motorista at residente, lalo na sa matinding trapiko sa ilang bahagi ng lugar. Gayunpaman, may plano nang maglatag ng detour upang maibsan ang daloy ng sasakyan.
Bukod dito, inaasahan din ang relokasyon ng tinatayang nasa 500 pamilya patungo sa mga bagong lugar tulad ng Zone 7 at iba pang phases ng housing project. Bagama’t sinasabing handa ang barangay, kinilala rin ang mga posibleng hamon tulad ng pagdami ng populasyon at peace and order concerns.
Upang matugunan ito, hinihikayat ang mga bagong residente na kumuha ng barangay clearance at sumunod sa mga alituntunin ng komunidad para sa maayos na integrasyon.
Sa usapin naman ng kapayapaan at kaayusan, patuloy ang pakikipagtulungan ng barangay sa kapulisan, bagama’t aminado ang mga opisyal na kulang pa rin ang bilang ng mga pulis na sumasaklaw sa malawak na area.
Sa kabila nito, umaasa ang barangay na magtutuluy-tuloy ang mga proyekto at serbisyo para sa mga residente, lalo na sa larangan ng imprastraktura, edukasyon, at seguridad.














