Ipinahayag ng ilang mga senador ngayong Martes, Marso 24 na ang Pilipinas ay nasa krisis na dahil sa epekto ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan, na nakaapekto sa presyo ng langis, enerhiya, pagkain, transportasyon, at kabuhayan ng mga OFW at kanilang pamilya.

Ayon kay Senator Loren Legarda, mahalagang kilalanin agad ang sitwasyon bilang krisis upang mapabilis ang pagtugon ng bawat ahensya ng gobyerno. Binanggit niya na “wag na tayo lost in translation o nagmamaang-maangan… Each agency must act as if we’re in a crisis because we are in a crisis.”

Nanawagan naman si Senator Bam Aquino na magdeklara ng state of national emergency para agad maipatupad ang regulasyon sa presyo ng mga pangunahing bilihin at masiguro ang sapat na suplay sa merkado. Binanggit niya rin na may nakalaang P220 bilyon sa 2026 national budget para sa tulong sa transportasyon, maliliit na negosyo, at iba pang sektor.

Samantala, sinabi ni Senator JV Ejercito na ang sitwasyon ay “no longer normal” at suporta niya ang agarang pagbuo ng interagency task force upang tugunan ang epekto ng alitan sa ekonomiya at sektor ng enerhiya.

Advertisement

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., itinatag ang isang crisis committee na tututok sa mga naapektuhan ng alitan sa Gitnang Silangan, ayon kay USec. Claire Castro. Tinanggap naman ito ng ilang senador tulad nina Alan Peter Cayetano at Joel Villanueva bilang hakbang para sa mas maayos at komprehensibong pagtugon ng gobyerno.

Advertisement