Patuloy na dumaranas ng matinding kakulangan sa suplay ng kuryente, tubig, at heating system ang milyon-milyong residente sa Kyiv at iba pang bahagi ng Ukraine kasunod ng sunod-sunod na pag-atake ng Russia sa mga pasilidad ng enerhiya.
Isa sa mga apektado ang single mother na si Daryna Kulchytska at ang kaniyang dalawang anak na nakatira sa ikapitong palapag ng isang apartment sa Kyiv. Aabot sa 20 oras kada araw ang kanilang nararanasang pagkawala ng kuryente, dahilan upang tiisin nila ang matinding lamig at kadiliman.
Batay sa mga ulat, tuluyan nang nasira at itinigil ang operasyon ng isa sa pinakamalalaking power station sa Ukraine matapos tamaan ng malalakas na ballistic missile. Nahahadlangan din ang pagkukumpuni nito dahil sa patuloy na air raid alerts at banta ng mga drone attack.
Ayon kay Maxim Timchenko, CEO ng DTEK, ang pinakamalaking pribadong kumpanya ng enerhiya sa bansa, mas lumawak at dumoble ang tindi ng mga pag-atake ngayong taon. Dahil dito, posibleng abutin pa hanggang sa susunod na tag-init bago muling mapatakbo ang nasirang planta.
Sa kabila ng matinding hirap at panganib, nananatiling matatag ang maraming Ukrainian. Bagama’t may ilan nang nagpasyang lumikas sa ibang bansa, mas pinipili pa rin ng iba na manatili sa kanilang bayan at tiisin ang kawalan ng kuryente kaysa mamuhay sa ilalim ng pananakop ng Russia.














