Nagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng isang minor phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano, kasabay ng mga naitalang volcanic earthquake at tremor sa loob ng nakalipas na 24 oras, ayon sa bulletin ngayong Sabado, Abril 11.

Ayon sa PHIVOLCS, pitong volcanic earthquakes at isang tremor na tumagal ng humigit-kumulang isang minuto ang naitala sa nasabing panahon.

Sa ulat, umabot na sa 36 ang kabuuang volcanic earthquakes at 12 tremor mula Abril 1 hanggang 11 sa bulkan.

Noong Biyernes ng 1:45 p.m., naganap ang isang minor phreatomagmatic eruption sa summit crater na naglabas ng plume na umabot sa humigit-kumulang 200 metro, batay sa IP camera ng main crater.

Advertisement

Nauna na ring naitala ang katulad na minor eruption noong Huwebes ng umaga na tumagal ng halos dalawang minuto, gayundin ang steam-driven burst noong Abril 6.

Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang phreatomagmatic eruption ay nagaganap kapag ang tubig ay nainitan ng magma o maiinit na bato na nagdudulot ng pagsabog ng singaw.

Sa pinakahuling monitoring, umabot sa 732 metric tons ang sulfur dioxide emissions mula sa crater, na may plume na umabot sa 500 metro, ngunit tinukoy itong “weak” emissions.

Nanatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugang mababang antas ng pag-aalboroto ngunit nananatiling abnormal ang kondisyon, ayon sa PHIVOLCS.

Nagpaalala rin ang ahensya na nananatili ang posibilidad ng biglaang pagputok ng bulkan sa kabila ng kasalukuyang mababang alert level.

Advertisement