Kinuwestiyon ng Minority Bloc sa Senado ang umano’y minamadaling proseso ng pag-amyenda sa Senate rules na magpapahintulot sa online o remote participation ng mga senador sa plenaryo.
Sa isang joint statement, sinabi ng Minority Bloc na mariin nilang kinokondena ang tila pagmamadali sa pagpapatupad ng malaking pagbabago sa Senate rules habang may ilang senador pa umanong nais magsalita at magpahayag ng kanilang pagtutol sa plenaryo.
Kasunod ito ng kanilang pag-walkout nitong Martes, Mayo 26, matapos ang mainit na talakayan kaugnay ng panukalang payagan ang mga senador na dumalo at bumoto sa sesyon sa pamamagitan ng online o remote participation.
Ayon sa minority bloc, ang naturang hakbang ay may malaking epekto sa paraan ng pagdalo, pakikilahok, at paggamit ng mandato ng mga senador kaya marapat lamang umano itong sumailalim sa mas malawak na pampublikong debate.
Iginiit din nila na hindi dapat minamadali ng mayorya ang pag-apruba sa panukala.
Ang proposed amendment ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11 upang payagan ang “justifiable” na remote attendance ng mga senador sa mga sesyon ng Senado.
Sa kanilang pahayag na ibinahagi sa social media ni Senador Kiko Pangilinan, tinanong din ng Minority Bloc kung minamadali umano ang rule change upang payagang makaboto si Senador Ronald “Bato” dela Rosa o iba pang senador na maaaring humarap sa pag-aresto.
Binigyang-diin pa nila na tila may “railroading” o labis na pagmamadali sa proseso na maaaring makaapekto sa patas na paglahok ng mga senador sa paggawa ng batas.
Dahil sa pag-walkout ng minority senators, nabigong makabuo ng quorum ang plenaryo kaya hindi naipasa ang panukala.
Kalaunan ay inadjourn ang sesyon at itinakdang ipagpatuloy muli sa Hunyo 1.














