Isang ballistic missile mula sa Iran ang tumama sa Ras Laffan Industrial City sa Qatar at nagdulot ng “malawakang pinsala,” kahit na apat sa limang missile ang na-intercept ng depensa ng bansa, ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Ayon sa pamahalaan ng Qatar, matagumpay nilang napigilan ang apat sa limang missile na pinakawalan mula Iran, subalit ang isa ay tumama sa Ras Laffan Industrial City—sentro ng liquefied natural gas (LNG) processing ng QatarEnergy.
Bago ang insidente, iniulat na inilikas na ang ilang pasilidad ng LNG sa Ras Laffan matapos magbanta ang Iran ng pag-atake sa mga energy facility sa Gulf region. Naglabas din umano ang Iran ng babala sa mga pasilidad sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Qatar na maaari silang targetin sa mga susunod na oras.
Dahil sa sunod-sunod na insidente, idineklara ng Qatar na “persona non grata” ang security at military attaché ng embahada ng Iran at inatasan itong umalis ng bansa sa loob ng 24 oras. Ayon sa foreign ministry, ang hakbang ay tugon sa paulit-ulit na pag-atake ng Iran, kabilang ang pinakahuling insidente sa Ras Laffan.
Patuloy na tumitindi ang tensyon sa rehiyon kasunod ng lumalalang sigalot na kinasasangkutan ng Iran at mga kaalyado ng Estados Unidos at Israel, na may malaking epekto sa seguridad ng mga energy facility sa Gitnang Silangan.














