Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA General Manager Nicolas Torre III na walang valid permit ang isinasagawang rally sa EDSA–People Power Monument na nagsimula kaninang madaling-araw, Martes.

Ayon kay Torre, walang naitalang koordinasyon sa pagitan ng mga organizer at ng MMDA, at wala ring permit na inisyu para sa naturang pagtitipon.

Nauna rito, libu-libong indibidwal ang nagtipon sa kahabaan ng EDSA at White Plains Avenue bilang pagpapahayag umano ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta, na nakatakdang sampahan ng kasong plunder kaugnay ng umano’y undeclared campaign donations noong 2025 midterm elections.

Sa kabila ng kawalan ng permit, mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at ng publiko.

Advertisement

Batay sa crowd estimate ng Quezon City Police District o QCPD nitong alas-9:00 ng umaga, umabot na sa tinatayang 9,000 ang bilang ng mga raliyista na nagtipon sa People Power Monument.

Dahil sa pagdagsa ng mga kalahok, nakaranas ng mabagal na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA, dahilan upang magpatupad ng traffic management measures ang MMDA at Philippine National Police.

Samantala, nagpapatuloy rin ang isang hiwalay na pagtitipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Ayon sa Manila Police District, tinatayang nasa 400 katao ang dumalo sa naturang programa.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang dalawang pagtitipon upang matiyak ang mapayapang pagdaraos ng mga ito at maiwasan ang anumang insidente na maaaring makaapekto sa kaayusan at seguridad ng publiko.

Advertisement