Inanunsyo ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) ang 28% na pagtaas sa singil sa tubig na epektibo sa Mayo 1, 2026 at makikita sa billing ng Hunyo 2026, alinsunod sa pag-apruba ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at mga kaugnay na resolusyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz, Public Inofrmation Officer ng MNWD, kinumpirma na ang pagtaas ng water rates ng MNWD ay ipatutupad ngayong taon, kung saan ang minimum charge para sa residential connections ay aabot sa P160 para sa unang 10 cubic meters ng konsumo, o katumbas ng P16 kada cubic meter.

Ayon sa MNWD, ang rate adjustment ay batay sa pag-apruba ng LWUA sa ilalim ng Board of Trustees Resolution No. 22, series of 2026 na pinagtibay noong Pebrero 26, 2026, at sinundan ng Board Resolution No. 44, series of 2026 noong Abril 16, 2026. Isasabay rin ang 2% franchise tax pass-on charge alinsunod sa LWUA Memorandum Circular No. 004-22, na direktang ire-remit sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kapag naipatupad na ang bagong billing system.

Ipinunto na ang naturang pagtaas ay unang isinulong ilang taon na ang nakalipas at dumaan sa serye ng public hearings noong Enero 13, 16, at 17 sa iba’t ibang franchise areas. Ito rin ang unang rate adjustment mula pa noong 2009, kung saan nagsagawa umano ang ahensya ng mahigpit na pagtitipid at ipinagpaliban ang ilang proyekto upang mapanatiling mababa ang singil.

Advertisement

Ipinaliwanag ng MNWD na ang pagtaas ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel at mga materyales, gayundin ang pangangailangang palawakin ang serbisyo upang matugunan ang lumalaking demand. Tiniyak naman ng pamunuan na ang mga bagong rate ay maingat na kinwenta upang manatiling patas at sapat para sa operasyon.

Dagdag pa, ang malilikom na kita mula sa rate hike ay ilalaan sa pagpapalakas ng operasyon at pagpapatupad ng mahahalagang infrastructure projects na matagal nang naantala dahil sa kakulangan ng pondo. Sa kasalukuyan, ilan lamang sa mga planong proyekto ang naisakatuparan, habang ang iba ay inaasahang matutuloy sa tulong ng dagdag na pondo.

Sa kabila nito, tiniyak ng MNWD na magpapatuloy ang kanilang layunin na makapagbigay ng ligtas, malinis, at maaasahang suplay ng tubig sa bawat kabahayan sa Naga sa mga susunod na taon.

Advertisement