NAGA CITY – Posibleng may kinalaman sa trabaho ang motibo sa nangyaring pamamaril sa sasakyan ng isang kawani ng Department of Agriculture-Camarines Sur sa bayan ng Pili sa nasabing lalawigan.
Maaalala, Marso 8 nang mapabalita na pinaulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang sasakyan ni Engr. Ted Eleda habang nakaparada ito sa loob ng bakuran ng biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pili Acting Mayor Francis Belen, sinabi nito na wala naman umano silang alam na nakaaway ng biktima lalo na’t masyadong pribado ang buhay ni Eleda, ngunit hindi naman umano inaalis ang posibilidad na may kaugnayan sa trabaho ang motibo ng mga suspek sa insidente.
Sa kabilang banda, ligtas naman ang biktima maging ang pamilya nito na labis naman na pinagpapasalamat ni Belen.
Nangyari kasi ang insidente sa kalagitnaan ng gabi habang natutulog na si Eleda at ang pamilya nito kung kaya wala namang sakay ang nasabing sasakyan ng mangyari ang pamamaril dito.
Aniya, umaga na nang makita ng biktima na tadtad ng tama ng bala ng baril ang sasakyan nito kung kaya’t agad naman nitong inireport sa mga awtoridad ang nasabing insidente.
Kaugnay nito, agad namang ipinag-utos ng alkalde ang mas pagpapahigpit pa sa monitoring at checkpoints sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang bayan upang maiwasan ang mga ganitong uri ng mga insidente lalo na at karaniwang mga riding in tandem ang suspek sa mga ganitong uri ng pananambang o pamamaril.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa umano ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente lalong-lalo na ang pagtukoy sa posibleng may kagagawan nito.
Paalala na lamang ng opsiyal sa mga residente na agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung mayroon silang nakikita o napapansing kaduda-dudang mga tao o aktibidad sa kanilang mga lugar upang agad itong maaksyunan ng kapulisan.