NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver matapos itong mabangga ng isang SUV sa Brgy. Pahinga Norte, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Zocimo Rosales Dela Cruz, 57-anyos, residente ng Brgy. Piisa, Tiaong, Quezon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang tinatahak ng motorsiklo na pinagmamaneho ni Dela Cruz ang kahabaan ng nasabing kalsada nang mabangga ito ng kasalubong na SUV na pinagmamaneho ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ayon sa mga awtoridad, kinain ng SUV ang linya ng motorsiklo dahilan para mabangga si Dela Cruz.

Dahil sa nangyari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na nagin rasaon ng kanyang pagkamatay. Habang agad naman tumakbo ang driver ng SUV papunta sa hindi pa malamang direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nasabing insidente lalo na sa pag-aalam sa pagkakakilanlan at posibleng kinalalagyan ng suspek.