Binawasan ng pamahalaang militar ng Myanmar ang sentensya ng nakakulong na dating lider na si Aung San Suu Kyi bilang bahagi ng malawakang amnestiya na inaprubahan ng bagong pangulo ng bansa.

Ayon sa kanyang abogado, nabawasan ng one-sixth ang 27-taong sentensya ni Suu Kyi, ngunit nananatiling hindi malinaw kung papayagan siyang manatili sa house arrest habang ipinagpapatuloy ang natitirang parusa.

Si Suu Kyi, 80 taong gulang, ay nahatulan sa iba’t ibang kaso kabilang ang corruption, incitement, at election fraud, na tinawag ng kanyang mga kaalyado na may halong pulitika upang pigilan ang kanyang impluwensya sa bansa.

Hindi pa rin siya nakikita sa publiko mula nang matapos ang sunod-sunod na paglilitis, at nananatiling hindi alam ang eksaktong lokasyon niya.

Advertisement

Samantala, iniulat ng state media na nagbigay din ng amnestiya para sa mahigit 4,300 bilanggo ang administrasyong militar, kabilang ang dating pangulo na si Win Myint, na naging lider mula 2018 hanggang sa coup noong 2021.

Ayon sa United Nations, mahalaga ang mga hakbang na ito ngunit iginiit nitong kailangan pa rin ng mas malawak na pagpapalaya sa mga arbitraryong nakakulong at paglikha ng kondisyon para sa tunay na political process.

Nagpahayag naman ng suporta ang United States sa pagpapalaya kay Win Myint, ngunit nanawagan din ito na palayain ang lahat ng mga nakakulong nang hindi makatarungan, kabilang si Suu Kyi.

Ang krisis sa Myanmar ay nag-ugat sa kudeta noong 2021 na pinamunuan ni Min Aung Hlaing, na nagbunsod ng patuloy na civil war at political instability sa bansa.

Advertisement