NAGA CITY- Naaagnas na ng matagpuan ang katawan ng isang mangingisda sa Caramoan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Cesar Olimpian, 51-anyos, residente ng Sitio Humaga, Barangay Tabiguian sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na nakita na lamang ng mga barangay tanod ang naturang biktima sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na huling nakitang buhay si Olimpian noon pang Marso 29, 2021 ng umaga na umalis sa kanilang bahay para maghanap ng makakain para sa kaniyang pamilya ngunit hindi na umano ito nakabalik.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.