NAGA CITY- Inaasahan pa rin ang pagbuhos ng mga tao sa lungsod ng Naga mula sa iba’t-ibang lugar kaugnay ng nalalapit na Peñafrancia Festival sa kabila ng pagkansela ng mga malalaking aktibidad dahil sa kasalukuyang COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Allen Reondanga, Chief of Office ng CEPPIO Naga, sinabi nito na batay sa kanilang assessment, marami pa rin ang mga deboto ang ninanais na makapasok at makauwi sa naturang lungsod kaugnay ng taunang selebrasyon.
Ito aniya ang dahilan kung kaya nag-apela ang lokal na pamahalaan ng Naga sa Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang lungsod upang makontrol ang dami ng taong bubuhos sa lugar.
Kung maaalala kasi, noong mga nakaraang selebrasyon ng naturang kapistahan, umaabot sa 1.2 milyon na mga tao ang nagsisidagsaan upang makibahagi sa selebrasyon.
Dagdag pa nito, mula sa naturang bilang, kalahati nito ang mula sa labas ng Bicol habang ang kalahati naman nito ang mula sa loob ng rehiyon.
Sa ngayon aniya, kung hindi maghihigpit ang pamahalaan sa pagpasok ng mga deboto, posibleng dumami ang kaso ng COVID-19 sa lugar at posible rin aniyang hindi kayanin ng mga quarantine facilities sa naturang lungsod.