Arestado ang isang lalaki matapos magpanggap na survivor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Balibago, Angeles City, Pampanga.

Nauna nang nag-viral ang video ng lalaki matapos niyang ikwento sa media na nakaligtas umano siya sa trahediya dahil bumili siya ng beer malapit sa lugar nang maganap ang pagguho ng gusali.

Subalit, sa isinagawang paunang imbestigasyon, nabunyag na hindi pala siya survivor at wala ring kaugnayan sa alinman sa mga biktima ng insidente. Napag-alaman din na hindi siya residente ng Angeles City.

Inamin din umano ng lalaki sa mga awtoridad na gawa-gawa lamang niya ang kaniyang kuwento.

Advertisement

Lumabas din sa imbestigasyon na tumanggap umano siya ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD noong Mayo 27 at muli pang humingi ng dagdag na ayuda, dahilan upang beripikahin ang kanyang pagkakakilanlan.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang lalaki habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.

Mariin namang kinondena ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang ginawang pananamantala sa trahedya para sa pansariling kapakinabangan.

Nagbabala rin ang pamahalaang lungsod sa publiko at media na maging mapagmatyag laban sa mga nagpapanggap na biktima o survivor ng insidente.

Advertisement