NAGA CITY- Naiwan na nakasinding gasera ang tinutukoy na dahilan ng pagkasunog ng isang bahay sa Barangay Cararayan, Naga City.

Mababatid na isang bahay ang nasunog noong nakaraang Hulyo 21 na pagmamay-ari ni Andres Arabaca, 84-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SINSP. PeterPaul Mendoza, City Fire Director ng BFP Naga, sinabi nito na base mismo kay Arabaca, wala silang suplay ng kuryente sa kanilang bahay at gasera lamang ginagamit nila sa tuwing darating ang gabi.

Napag-alaman na dito rin na nagluto ng almusal si Arabaca kung kaya nakikita nila na nakalimutan nito ang nakasinding gasera malapit sa lalagyan nito ng damit dahil doon nagsimula ang apoy.

Nilinaw naman ng opisyal na walang nakikitang foul play sa nasabing insidente.

Sa ngayon, paalala na lang ni Mendoza na maging maingat at maging alerto upang maiwasan ang mga naturang insidente.