NAGA CITY- Natangay ng mga magnanakaw ang nasa P209-K na halaga ng cash, alahas at iba pa sa isang boarding sa Molave St. Brgy, Liboton, Naga City.

Sa naging pagharap sa mga kawani ng media ni PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na nangyari ang insidente habang wala naman ang nag-uupa sa nasabing boarding house matapos na umuwi sa kanilang lugar sa Baao, Camarines Sur para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Bongon, ng bumalik ang biktima noong Nobyembre 2, 2023 dito na napansin ng biktima na nawawala ang nasa P160-K na cash nito, tatlong alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P40-K, at cash money ng kanyang anak na nagkakahalaga ng P9-K.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad patungkol sa nasabing insidente lalo na ang pag-alam sa pagkakakilanlan ng nasabing suspek.