NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P300,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Lucena City.

Kinilala ang mga naaresto na sina Marissa Alfaro, 51-anyos at si Constantino Quijano, 40-anyos, kapwa residente ng naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na narekober kay Quijano ang limang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 12.23 grams at nagkakahalaga ng P249,492.

Samantala, nakumpiska naman mula kay Alfaro ang siyam na piraso ng naturang iligal na droga na may bigat naman na nasa 6.93 grams at nagkakahalaga rin ng P141,372.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.