NAGA CITY- Nasamsam ng mga otoridad sa isang drug den ang nasa P300,000 na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation sa Calabanga, Camarines Sur.
Ayon kay PMaj Rodolfo Borromeo, ang OIC ng Calabanga Municipal Police Station, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at PNP ang isang drug den sa nasabing lugar dahilan upang maaresto sina Rey Viola, 42-anyos; Mark Capricho, 33-anyos at Christopher Aborde, 37-anyos, kapwa residente ng nasabing bayan.
Sa isinagawang operasyon, nakabili sa mga suspek ang nagpanggap na poseur buyer ng isang pakete na naglalaman ng hinihinalaang shabu.
Bukud pa dito, nasakote din ng mga otoridad sa posisyon ng mga suspek ang lima pang pakete na naglalaman ng ipinagbabawal na droga na nagkakahalaga ng P300,000.
Sinabi ni Borromeo, matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek at iniimbestigahan kung imbwelto pa ang mga ito sa iba pang drug syndicate.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.