Tumestigo ang isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bail hearing ni dating Senador Ramon Revilla Jr. sa Sandiganbayan Third Division, kaugnay ng kinahaharap nitong kasong graft at malversation.

Sa pagdinig, isiniwalat ang umano’y iregularidad sa isang P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan, na idineklarang halos kumpleto sa loob lamang ng 21 araw. Ayon sa NBI, ang naturang proyekto ay iniulat na 95% tapos kahit hindi pa ito aktwal na naisagawa nang maayos.

Batay sa video inspection na isinagawa noong Setyembre 16, 2025, lumabas na mabuhanging tabing-ilog lamang ang makikita sa lugar, taliwas sa ulat na halos tapos na ang proyekto.

Sa kanyang testimonya, ipinaliwanag ni NBI agent Atty. Ivan Bernard Samson na inilabas ang “notice to proceed” noong Abril 8, 2025, ngunit pagsapit ng Abril 29 ay idineklara nang 95.17% na kumpleto ang proyekto—isang timeline na malayo sa karaniwang tinatayang hanggang 270 araw para matapos ang ganitong uri ng konstruksyon.

Advertisement

Kinumpirma rin ng ahente na hindi na kinailangang maglabas ng subpoena laban kay Revilla, dahil sa bigat umano ng ebidensiya, kabilang ang testimonya ni dating Public Works undersecretary na si Roberto Bernardo.

Mariin namang itinanggi ni Revilla ang mga alegasyon sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Francesca Senga, na nagsabing pawang “hearsay” lamang at mula sa hindi kapani-paniwala at hindi mapagkakatiwalaang source ang mga paratang laban sa dating senador.

Advertisement