Photo © web

Itinanggi ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na nabigo itong magsumite ng mga ulat sa mga energy regulator kaugnay ng sunod-sunod na pag-trip ng mga transmission line na nagdulot ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids noong Mayo 13.

Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni NGCP President at CEO Anthony Almeda na agad silang nagpadala ng SMS at email advisories sa Department of Energy at Energy Regulatory Commission matapos ang malawakang brownouts.

Ayon kay Almeda, naibalik nila ang operasyon ng Ilijan-Dasmariñas at Ilijan-Tayabas 500-kilovolt transmission lines sa loob ng walong hanggang 12 oras sa kabila ng masamang panahon at mahirap na lokasyon ng mga transmission facilities.

Patuloy pa rin umano ang imbestigasyon sa sanhi ng insidente at hindi pa inaalis ng NGCP ang posibilidad ng sabotage kaya humingi na rin sila ng tulong sa Philippine National Police.

Advertisement

Iginiit din ni Almeda na hindi lamang transmission outage ang dahilan ng grid alerts noong Mayo 13 hanggang 15 dahil bago pa man ang insidente ay nasa 31 power plants na ang naka-forced shutdown o nasa derated operations habang naitala rin ang pinakamataas na power demand ngayong 2026.

Samantala, inamin naman ni NGCP Public Relations Chief Cynthia Alabanza na may pananagutan ang NGCP sa red alerts ngunit tiniyak nitong naisumite nila sa oras ang kinakailangang initial report sa mga regulator.

Advertisement