Ipinahayag ni Education Secretary Sonny Angara na “all systems go” na para sa 2026 National Schools Press Conference (NSPC) na gaganapin sa Ormoc City, Leyte.

Ayon sa kalihim ng Department of Education (DepEd), idaraos ang limang araw na pambansang kaganapan mula Abril 13 hanggang 17 na may temang “Mapanuri, Mapanindigan, at Mapanagutang Pamamahayag.”

Binigyang-diin ni DepEd Secretary Angara na mahalaga ang NSPC sa paghuhubog ng mga kabataang mamamahayag na magsisilbing tagapagtanggol ng katotohanan sa hinaharap.

Dagdag pa niya, sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon, mas tumitindi ang pangangailangan sa mga kabataang may kakayahang magsuri at manindigan sa tama.

Advertisement

Gaganapin ang naturang kompetisyon sa Ormoc City, kung saan lalahok ang mga regional winners sa iba’t ibang kategorya tulad ng writing, visual journalism, publishing, mobile, at broadcast.

Ayon sa DepEd, magpapatupad din ng mga pagbabago ngayong taon, kabilang ang school paper contest na gagawing exhibition format kung saan ipapakita ang pinakamahusay na publikasyon mula sa bawat rehiyon sa halip na magdeklara ng iisang national winner.

Nilimitahan din ang bilang ng mga kalahok sa top regional qualifiers upang maiwasan ang pagkaantala ng klase at mabawasan ang gastusin, habang pinananatili ang prestihiyo ng kompetisyon.

Advertisement