Inaresto ng mga awtoridad sa Thailand ang isang Filipina na guro matapos umanong iwan ang kanyang patay na sanggol sa loob ng banyo ng isang mall noong Marso 20, ayon sa Philippine Embassy in Bangkok.

Hindi pinangalanan ang overseas Filipino worker (OFW) na nadakip sa isang bus station ilang oras matapos umalis sa mall, matapos matuklasan ng isang concerned citizen ang sanggol at iulat ito sa pulisya. Natunton at naaresto ang suspek gamit ang CCTV footage, ayon kay Philippine labor attaché Don Pancog.

Ani Pancog, pinilit ng guro na manganak sa isa sa mga cubicle ng banyo sa mall. “Ang medikal na dahilan ay hindi pa natin tiyak… maaaring dulot ng sobrang init o dahil siya ay nasa huling trimester na,” paliwanag niya. Idinagdag pa niya na lubos na nadarama ng guro ang matinding distress.

Kasalukuyang nakadetine ang OFW sa isang women’s correctional facility at iniulat na umiiyak at nagsisisi nang kapanayamin ng mga opisyal ng Pilipinas. “Hindi niya rin maintindihan o maipaliwanag kung bakit niya nagawa iyon… She was full of remorse. Hindi ito ang kanyang unang anak,” dagdag ni Pancog.

Advertisement

Ayon kay Chargé d’Affaires Charmaine Guevara, nakararanas ang guro ng matinding mental stress at may pangangailangang psychosocial.

Batay sa imbestigasyon ng embahada, hindi alam ng guro na siya ay buntis nang dumating sa Thailand noong Oktubre 2025 at nalaman lamang ito makalipas ang isang buwan. Pitong buwan na siyang buntis nang mangyari ang insidente.

May kinakasama at isang anak ang OFW at kasalukuyang nahaharap sa imbestigasyon kaugnay ng posibleng kasong murder o infanticide, tampering with evidence, at disposal of a corpse. Ipinaliwanag ni Pancog na isinailalim agad ang guro sa medical check-up at inapplyan ng extension ng detention para sa karagdagang imbestigasyon.

May nakatalagang abogado ang OFW at gagabayan sa medical at psychosocial support kung papayagan ng Thai authorities. Nakatakda rin ang face-to-face visit ng mga opisyal sa Abril 1.

Nanawagan ang embahada sa publiko na iwasang maghusga habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. “Kami po ay nakikiusap na i-hold muna natin ang ating mga paghuhusga… Hangga’t hindi po natin alam ang tunay na nangyari, isama na lamang po natin siya sa ating mga dasal, lalung-lalo na ngayong Mahal na Araw,” ani Pancog.

Advertisement