Kinumpirma ng House prosecution panel na kabilang ang Ombudsman, National Bureau of Investigation (NBI), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga posibleng testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng reklamong unexplained wealth.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na lead prosecutor para sa Article of Impeachment hinggil sa unexplained wealth, kasalukuyan pang sinusuri ng prosecution panel ang pinal na listahan ng mga testigong ihaharap sa paglilitis.

“Pasok pa rin po yung previous House proceedings resource persons. So Ombudsman, SEC, yun pong NBI for other cases. AMLC, masasalang din po ito,” ani Ridon sa isang ambush interview.

Sinabi rin ni Ridon na pinagpapasyahan pa kung isasama ang Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang testigo sa impeachment trial.

Advertisement

Ayon sa kanya, kung sapat na umano ang ebidensya upang mapatunayan ang alegasyon ng unexplained wealth at mga paglabag sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), maaari nang hindi na kailanganin ang ilang karagdagang testigo.

“I think we can secure a conviction on unexplained wealth,” pahayag ni Ridon.

Gayunman, sinabi niyang makatutulong ang mga dokumento mula sa BIR upang suportahan ang mga ulat ng AMLC, kabilang ang mga bank account na ilalahad sa paglilitis.

Tinanong din si Ridon kung bubuksan ang sealed box na isinumite ng BIR, kung saan sinabi niyang pagdedesisyunan ito sa pamamagitan ng botohan ng Senate Impeachment Court.

Ayon pa sa mambabatas, inaasahang mabubuo sa pre-trial stage sa kalagitnaan ng Hunyo ang pinal na listahan ng mga testigo at ebidensya na ihaharap laban kay Duterte.

Sinabi rin niyang kumukuha ang prosecution panel ng mga volunteer financial experts tulad ng accountants at auditors upang tumulong sa pagsusuri ng mga dokumento.

Samantala, plano rin umano ng House Prosecution Panel na magsagawa ng campus tour sa iba’t ibang paaralan sa bansa bago magsimula ang impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Ridon, nakikita umano niya ang mataas na public interest sa impeachment trial na maihahalintulad sa naging atensyon ng publiko noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2000 hanggang 2001.

Advertisement