Isinasailalim na sa fact-finding investigation ng Office of the Ombudsman, sa pamamagitan ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang mga reklamong plunder, malversation, at graft na inihain ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Clavano, nasa fact-finding stage na ang mga reklamo at susundan ito ng preliminary investigation upang matukoy kung may sapat na basehan para magsampa ng kaso.
Saklaw ng reklamo ang mga umano’y iregularidad na ginawa ni Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City at kalaunan bilang Bise Presidente ng Pilipinas at kalihim ng Department of Education.
Gayunman, inamin ni Clavano na may mga legal na isyung kailangang resolbahin, kabilang ang usapin ng immunity from suit ng isang nakaupong bise presidente bilang impeachable official.
Ipinaliwanag niya na pinag-aaralan pa kung ang reklamo ay dapat idaan sa Congress of the Philippines o sa Senado, depende sa magiging legal na interpretasyon ng proseso.
Samantala, sinabi rin ni Clavano na mino-monitor lamang nila sa ngayon ang mga pahayag ni Ramil Madriaga, na inaasahang haharap sa pagdinig ng House Committee on Justice.
Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang magiging testimonya ni Madriaga dahil ito ang unang pagkakataon na siya ay magsasalita sa publiko hinggil sa mga alegasyon.














