Kasado na ang Online Registration Assistance System (ORAS) ng Philippine Ports Authority (PPA) para sa mga pasaherong babiyahe ngayong Semana Santa 2026, bilang bahagi ng hakbang ng ahensya upang mapabilis at maayos ang proseso ng ticketing sa mga pantalan.
Ayon sa PPA, layunin ng ORAS na mapagaan ang karanasan ng mga walk-in passengers sa pamamagitan ng tatlong hakbang: SCAN, CHOOSE, at RESERVE, na nagbibigay-daan sa mas organisadong pagbili ng ticket at pagpasok sa pantalan.
Saklaw ng initial implementation ng ORAS ang ilang pangunahing ruta, kabilang ang biyahe mula Balanacan Port patungong Lucena Port, Batangas Port patungong iba’t ibang destinasyon gaya ng Calapan, Caticlan, Coron/El Nido, at Puerto Galera, gayundin ang mga ruta mula Calapan at Lucena Ports patungo sa iba pang lugar sa Luzon at Visayas.
Sa pamamagitan ng pagpaparehistro, makakatanggap ang pasahero ng ORAS pass na may code na ipapakita sa validation area upang mapabilis ang pagpasok at pagbili ng ticket. Gayunman, mag-e-expire ang pass tatlong oras bago ang napiling schedule ng biyahe, kaya pinapayuhan ang mga pasahero na maglaan ng sapat na oras bago pumunta sa pantalan.
May nakahandang help desk para sa mga walk-in passengers, kabilang ang mga senior citizen at persons with disability (PWD), upang tulungan silang makapagparehistro sa ORAS kung wala pa silang access dito bago dumating sa pantalan.
Nilinaw ng PPA na hindi ipatutupad ang ORAS sa mga pantalan kung saan ang mga pasahero ay may hawak nang ticket o may ticketing booths sa labas ng port area. Hindi rin kinakailangan ang ORAS para sa mga pasaherong may dalang sasakyan, na sasailalim pa rin sa regular na proseso ng pagpila.
Layunin ng sistema na i-regulate ang daloy ng mga pasahero at mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pantalan, lalo na tuwing peak travel season. Matatandaang inilunsad ang ORAS noong Marso 24, 2026 bilang bahagi ng digitalization efforts ng PPA upang tugunan ang matagal nang problema sa mahabang pila, kakulangan ng impormasyon, at congestion sa ilang pantalan.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PPA sa mga shipping lines at iba pang ahensya upang matiyak ang maayos na implementasyon ng sistema. Inaasahan ng ahensya na sa pagpapalawak ng ORAS, magiging mas mabilis, maayos, at komportable ang paglalakbay ng mga pasahero sa mga pantalan sa buong bansa.














