Inilarawan ni Violeta Constantino, dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LBP) Shaw Boulevard branch, bilang “hindi pangkaraniwan” ang magkakasunod na pag-withdraw ng tig-₱125 milyon na cash ng Office of the Vice President (OVP) habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules.

Sa kanyang testimonya bilang unang testigo ng House prosecution para sa Article I ng Articles of Impeachment, sinabi ni Constantino na siya mismo ang nangasiwa sa pag-encash ng apat na tseke na umabot sa kabuuang ₱500 milyon.

Ayon kay Constantino, nakapangalan ang mga tseke kay Gina Acosta, special disbursing officer ng OVP, na umano’y nag-withdraw ng naturang halaga sa magkakahiwalay na transaksyon mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023.

Ang kanyang testimonya ay bahagi ng paglilitis kaugnay ng alegasyon ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng OVP at Department of Education noong panahon na si Duterte pa ang kalihim ng ahensya.

Advertisement

Pinangunahan ni Manila Representative Joel Chua, lead prosecutor para sa naturang artikulo ng impeachment complaint, ang pagtatanong kay Constantino.

Matapos ang kanyang pagharap sa korte, sinabi ng counsel ng depensa na si Atty. Michael Poa na hindi na nila isasailalim sa cross-examination ang testigo.

Ito ang ika-10 araw at ika-apat na linggo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Advertisement