P13.6-M na halaga ng iligal na droga, nasamsam sa mag-asawang dayo sa Naga City; mga bala at baril, kumpiskado rin
NAGA CITY – Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit P13-M na halaga ng iligal na droga, bala at baril sa mag-asawang dayo sa lungsod ng Naga sa isinagawang buy-bust operation sa Diversion Road, Zone 5, Brgy. Tabuco, Naga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Nelynn Tobias, apatnapong taong-gulang, at Ernan Tobias, apatnapu’t-limang taong-gulang, residente ng Sitio Uno, Patimbao, Santa Cruz, Laguna.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, napag-alaman na gamit ang P1.6-M na halaga ng boodle money naisagawa ang nasabing operasyon sa tulong ng nagpanggap na posuer buyer na nakabili ng isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa mga suspek na tinatayang may bigat na humigit-kumulang kalahating kilo.
Sa pag-inspeksyon pa ng mga otoridad narekober rin sa sasakyan na ginamit ng mga ito ang dalawa pang self-sealed transparent plastic sachet ng pinagbabawal na gamot na tinatayang nasa 1.5-KG; isang gray na sling bag kung saan nakatago ang isang caliber 9mm pistol na mayroong magazine na mayroon ding apat na live ammunition.
Dagdag pa ni Bongon, inamin naman ng mag-asawa na pagmamay-ari ng mga ito ang nakumpiskang baril at mayroon umano itong mga karampatang dokumentos ngunit wala itong naipakita sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad.
Samantala, sa kabuuan, tinatayang aabot sa humigit-kumulang 2000 grams ang bigat ng mga nasamsam na mga iligal na droga sa mag-asawa at nagkakahalaga ng nasa P13,600,000.
Sa ngayon, mahaharap sa patong-patong na kaso ang mag-asawa kasama na ang kasong paglabag sa Section 5 and Sec 11 ng Republic Act of 9165 o Comprehensive Dangerous drug Act of 2002 at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa kabila nito, panawagan na lamang ng opisyal sa lahat lalong-lalo na sa mga taong sangkot sa iligal na droga na sumuko na at tigilan na ang paggamit ng nasabing pinagbabawal na gamot dahil wala naman umano itong magandang maiidulot sa buhay ng sinuman.