NAGA CITY- Tinatayang aabot sa P7-M ang halaga ng pinsala na iniwan ng nangyaring sunog noong Huwebes ng gabi, Mayo 19, 2022 sa Bagumbayan Sur, sa lungsod ng Naga batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FSInsp. Peter Paul Mendoza, City Fire Director ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Naga, sinabi nito na nagsimula ang sunog sa bahay na pagmamay-ari ni Mr. De Vera.
Dagdag pa nito posible umanong electrical problem ang naging sanhi ng malawakang sunog.
Mababatid na limang kabahayan na gawa sa light materials kasama na ang isang paupahang bahay ang tinupok ng nasabing apoy.
Mabilis naman ang naging pag-responde ng BFP-Naga katulong ang mga kalapit na fire station para apulahin ang sunog.
Samantala, idineklara ring “fire under control” ng BFP ang nasabing insidente dakong alas-11:40 ng gabi at “fire-out” dakong 12:02 ng madaling araw.
Wala namang naitalang casualty o binawian ng buhay sa naturang insidente, maliban lamang sa paso na natamo ni Mr. De Vera at isang anak nito habang nagtamo naman ng bali ang isa pang anak nito na tila itinapon na lamang ng ama mailigtas lamang sa sunog.
Agad namang dinala sa ospital ang mga ito na ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.
Sa kabila nito, kinailangan ding lumikas ng mga residenteng apektado ng nasabing sunog sa Barangay Hall ng Bagumbayan Sur na nasa kustodiya na ngayon ng barangay at CSWDO habang ang iba naman ay sinundo ng kanilang mga kamag-anak.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang kabuuang pinsala gayundin ang pinaka-sanhi ng nasabing sunog.