Nagbalik na sa normal na operasyon ang Pakol 2 Pumping Station ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) matapos makumpleto ang pagkukumpuni at pagpapalit ng nasirang submersible motor nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz, Public Information Officer ng Metropolitan Naga Water District, ipinaliwanag nito na natanggal ang dalawang fuse link ng mga transformer noong Biyernes, na siyang naging sanhi ng pagkasira ng motor. Agad itong inayos ng mga tauhan ng Electromechanical Maintenance at natapos ang pag-install ng bagong motor noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Dela Cruz, naibalik na ang suplay ng tubig sa sistema noong Linggo, bandang alas-8:45 ng umaga, matapos ang halos 24 na oras na pagkukumpuni.
Dagdag pa niya, may kapasidad na 60 litro kada segundo ang Pakol 2 Pumping Station kaya malaki ang naging epekto ng paghinto ng operasyon nito sa suplay ng tubig sa mga nasasakupan nitong lugar.
Nilinaw din ni Dela Cruz na bagama’t naibalik na ang operasyon ng pumping station, patuloy pa ring sinusuri ng mga kinauukulang tauhan ang dalawang transformer upang matiyak kung mayroon pang ibang pinsala na kailangang kumpunihin.
Samantala, patuloy na nakatatanggap ng mga ulat ang MNWD hinggil sa paggamit ng ilang mamimili ng ilegal na koneksyon ng booster pump.
Ayon kay Dela Cruz, nagpapadala ang kanilang tanggapan ng Notice of Violation sa mga mapatutunayang gumagamit ng ilegal na booster pump at binibigyan ang mga ito ng 15 araw upang itama ang kanilang instalasyon at magkaroon ng cistern tank o imbakan ng tubig.
Bukod dito, pagmumultahin din ang mga lalabag ng limang libong piso (₱5,000) para sa mga residential consumer at sampung libong piso (₱10,000) naman para sa mga commercial consumer.
Hinimok ng MNWD ang publiko na magtipid at wasto ang paggamit ng tubig bilang paghahanda sa El Niño. Pinayuhan din ang mga mamamayan na mag-imbak ng malinis na tubig upang maiwasan ang kakulangan sakaling muling magkaroon ng problema sa mga pumping station at matiyak ang maayos na distribusyon ng suplay ng tubig.










