Nilinaw ng eight-division world champion na si Manny Pacquiao na ang inaasahang rematch nila ni Floyd Mayweather Jr. sa Setyembre 19 ay isang ganap na professional fight at hindi simpleng exhibition match.

Ayon kay Pacquiao, nauunawaan niya ang naging pahayag kamakailan ni Mayweather na tinawag ang laban na gaganapin sa The Sphere bilang isang exhibition para lamang sa entertainment ng publiko. Gayunpaman, iginiit ng Filipino boxing icon na malinaw sa kanilang kontrata na ito ay isang sanctioned professional bout na mabibilang sa kanilang opisyal na rekord.

Noong Pebrero, inanunsyo ng isang kilalang streaming platform na ipapalabas nila ang laban sa buong mundo—isang hakbang na pinuri ni Pacquiao bilang pagsunod sa kanilang napagkasunduang kontrata.

Samantala, binanggit din ng “People’s Champ” na ang planong exhibition match laban kay Ruslan Provodnikov ngayong Abril ay hindi pa pinal.

Advertisement

Kasalukuyan nang nagsimula si Pacquiao ng light training limang buwan bago ang laban, kasama ang kanyang longtime trainers na sina Freddie Roach at Buboy Fernandez sa Los Angeles.

Bukod dito, naroroon din si Pacquiao sa Temecula upang suportahan ang ikalawang professional fight ng kanyang anak na si Jimuel Pacquiao laban kay Darrick Gates.

Advertisement