NAGA CITY- Patay ang isang padre de pamilya matapos saksakin ng kaniyang kaibigan sa Cabusao, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Reynaldo Bandola, 55 taong gulang at residente ng Zone 5, San Pedro, sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Albert Joven, OIC ng Cabusao MPS, sinabi nito na ang nasabing biktima ay pumunta sa kaibigan nito na siya ring suspek na kinilalang si Ramon Balbuena, 64-anyos at residente naman ng Zone 4 Brgy. San Pedro, sa nasabing bayan.
Ayon sa opisyal, habang nasa impluwinsya ng alak ang biktima, kinulit umano nito ang suspek na ihatid ito sa kanilang bahay ngunit hindi pumayag ang suspek.
Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nagresulta upang kunin ng biktima ang tungkod ng suspek upang paghahampasin. Ito rin ang naging dahilan upang magalit ang suspek na nagresulta sa pananaksak sa abdomen ng biktima.
Samantala, isinugod naman sa ospital ang biktima ngunit sa kasamaang palad, binawian rin ito ng buhay.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga kapulisan ang suspek at mahaharap sa kasong homicide.