NAGA CITY – Patay ang isang padre de pamilya matapos pagtatagain sa Zone-6, Brgy. Payak, Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Joel Valle, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ Andrew Alcomendas, Acting COP ng Bato MPS, napag-alaman na natutulog na sa kanilang bahay si Valle kasama ang mga anak nito ng dumating ang suspek na si Ramir Sesno, residente rin sa nasabing lugar at dito na pinagtataga ng suspek ang biktima gamit ang dala nitong bolo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng malalim na tama sa leeg at dibdib si Valle na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Samantala, ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa ang tinitingnang motibo sa naturang krimen.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtunton sa suspek na agad tumakas matapos ang nasabing insidente.