NAGA CITY – Dagdag na bentahe umano sa bahagi ng kandidatura nina Presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at vice presidential candidate Mayor Sara Duterte ang naging pag-endorso dito ng Iglesia ni Cristo para sa May 9 election.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Professor Kenjie Jimenea, Dean ng College of Arts and Sciences sa University of Nueva Caceres, sinabi nito na kung ikokonsidera umano ang practice ng INC na ‘block voting’ mayroon nang initial na solid votes ang BBM-Sara tandem mula sa 3-million members ng nasabing sektor sa bansa.

Ayon kay Jimenea, hindi naman umano makukwestiyon ng ilan ang desisyon o ang mga pipiliin ng naturang kongregasyon na iboboto sa eleksyon dahil isa rin itong bahagi ng faith-based politics.

Kaugnay nito, naniniwala ang mga miembro nito na kung ano ang nais ng kanilang sektor, kanial itong susundin sa paniniwala na isa ito sa mga teachings ng kanilang simbahan.

Gayunpaman, kung susundin man o hindi ang nais ng kanilang sektor, walang ibang makakaalam dahil sa secrecy ng mga balota.

Ngunit kun pagbabatayan ang historya, nasa 98% hanggang 99% ng miembro ng INC ang direktang sumusunod sa ninanais ng kanilang kongregasyon.

Sa kabila niito, nilinaw naman ni Jimenea, hindi naman umano ibig sabihin nito na kung sino ang inendorso ng INC, siya na ang mananalo.

Ayon dito, kahit mayroon nang siguradong boto mula sa naturang sektor an grupo ni Marcos, ilang porsyento lamang ito kumpara sa nasa 65 million na kabuuang botante sa bansa.

Inihalimbawa na lamang ng professor ang unang naging pag-endorso ng INC kay BBM noong tumakbo itong vice president taong 2016.

Sa ngayon, tinitingnan ni Jimenea na magiging one-on-one ang magiging laban sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at dating senador Bongbong Marcos.

Samantala, wala naman umanong makakapagsabi na tapos na ang laban dahil naniniwala ito na ang decision point ay ang magiging resulta ng pilian sa Mayo 9, 2022.