NAGA CITY – Bumuhos ngayong araw ang pagbati kaugnay ng pag-alala sa ika animnaput-apat na anibersaryo ng kapanganakan ni dating DILG Secretary at Naga City Mayor Jesse Robredo ngayong araw.

Una na dito, nagsagawa ng mga aktibidad ang lokal na pamahalaan ng Naga sa Museo ni Jesse Robredo kaugnay ng nasabing pagdiriwang kung saan dinaluhan ito ng malalapit na kaibigan at kakilala ng dating opisyal.

Dito naman inalala at ibinahagi ng mga ito ang kanilang iba’t-ibang kwento kasama si Jesse Robredo noong nabubuhay pa ito.

Inilarawan naman ni Naga City Mayor Nelson Legacion si Jesse bilang isang huwarang pinuno at alkalde dahil sa mga nagawa nito sa lungsod nang magsilbi ito bilang ama ng lungsod sa loob ng ilang taon.

Samantala, para naman sa nakakatanda nitong kapatid na si Butch Robredo, isa itong tapat at huwarang asawa at kapatid, dahil kailanman ay hindi umano nila ito nakita o nabalitaang nagkaroon ng ibang babae maliban sa asawa nito na si Vice President Leni Robredo.

Naging mabuting ama rin naman umano ito sa kanilang tatlong anak na sina Tricia, Jillian at Aika Robredo kung saan mismong ito ay nakatutok sa pag-aaral ng mga ito noong nabubuhay pa.

Sa kabila nito, humingi naman ng paumanhin si Vice President Leni Robredo matapos na hindi ito makadalo sa isinagawang pag-alala ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Naga.

Sa video message na pidala ng bise presidente, humingi ito ng paumanhin dahil kasalukuyan pa umano itong nasa America kasama ang kaniyang tatlong anak matapos dumalo sa graduation ng bunsong anak nito na si Jillian Robredo.

Samantala, ayon naman kay CamSur 3rd district Rep. Cong. Gabby Bordado, wala naman aniyang ibang ninanais noon na mangyari si dating Naga City Mayor Jesse Robredo kung hindi ang maibalik sa kamay ng publiko ang pamumuno sa pamahalaan.

Aniya, ito ang dahilan kung kaya binuo ng dating opisyal ang Good Governance Model na layuning magkaroon ng progresibong lider, partnership sa mga sektor at magandang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan ng lungsod.

Sa ngayon, nagpapasalamat na lamang ang mga ito sa lahat ng nakiisa at nakaalala sa espesyal na araw na ito para sa pamilya Robredo.