Nagpatuloy ang pre-trial sa impeachment case kung saan pangunahing pinagtalunan ang usapin kung dapat bang buksan agad ang kahong naglalaman ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa yugto ng marking of evidence. Naging sentro ng diskusyon ang legalidad ng maagang pagbubukas nito at kung aling institusyon ang may kapangyarihang magpasya hinggil sa ebidensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty Francis Dominick Abril, Legal/ Political Consultant, sinabi nito na tama umano ang naging “conservative” na hakbang ng House Justice Panel na huwag munang buksan ang BIR box. Giit niya, ang Senado bilang Impeachment Court ang may pangunahing hurisdiksyon sa pagdedesisyon sa admissibility ng mga ebidensya, lalo na kung may pagtutol mula sa panig ng depensa. Aniya, ang pagbubukas nito nang walang malinaw na legal na basehan sa antas ng Kamara ay maaaring magbukas ng isyu ng paglabag sa tamang proseso.

Tinalakay rin sa pagdinig ang umiiral na tensyon sa pagitan ng tax confidentiality na nakapaloob sa National Internal Revenue Code at ng mas mataas na prinsipyo ng public accountability na itinatakda ng Konstitusyon. Bagama’t protektado ang ilang tax records ng batas, iginiit sa diskusyon na may mas mataas na obligasyon ang mga halal na opisyal na sumailalim sa transparency at public scrutiny.

BInigyan diin ni Abril na ayon sa mga talakayan, ang magiging pasya ng Senado sa pagbubukas ng BIR box ay inaasahang magiging mahalagang precedent sa mga susunod na impeachment proceedings. Maaari itong magtakda ng pamantayan kung paano hahawakan ang sensitibong dokumento, lalo na sa mga kasong may alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Advertisement

Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanda para sa mas malalim na pagdinig habang inaasahang susunod ang iba pang testimonya at mga mosyon kaugnay ng ebidensya. Nanatiling kritikal ang BIR box bilang isa sa mga pangunahing punto ng pagtatalo sa buong impeachment process.

Advertisement