Iniulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tumaas ng 6.39% ang kabuuang gross gaming revenues (GGR) ng industriya sa Pilipinas noong 2025, na umabot sa ₱396.14 bilyon.
Batay sa datos ng PAGCOR, mas mataas ito kumpara sa ₱372.33 bilyon noong 2024, na pangunahing dulot ng paglago ng online at electronic gaming segments.
Ayon sa PAGCOR, ang e-games at online gaming, kabilang ang e-bingo at iba pang digital betting platforms, ay lumago ng 30.44% at umabot sa ₱201.12 bilyon. Dahil dito, ito na ngayon ang pinakamalaking bahagi ng kita ng industriya, na bumubuo ng 50.77% ng kabuuang GGR.
Samantala, bumaba naman ng 9.58% ang kita ng traditional o brick-and-mortar casinos sa ₱182.50 bilyon, habang ang PAGCOR-operated casinos ay nagrehistro rin ng 20.95% na pagbaba sa ₱12.52 bilyon.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, malinaw na nagbago na ang istruktura ng industriya kung saan ang online gaming na ang pangunahing driver ng paglago, sa halip na maging suplementary lamang.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t nagkaroon ng pansamantalang pagbaba noong ikatlong quarter ng 2025 dahil sa mga pagbabago sa digital payment systems, nagresulta naman ito sa mas mahigpit na regulasyon, mas ligtas na transaksyon, at mas mataas na kumpiyansa sa sektor ng gaming.














