NAGA CITY – Maituturing umano na makasaysayan para sa Pilipinas ang pagtanggap ng isang Filipina nurse sa United Kingdom ng George Cross Award o ang pinakamataas na non-military award na ipinagkakaloob ng British government na iginawad mismo ni Queen Elizabeth II.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Grant Gannaban-O’Neill mula sa United Kingdom, nilinaw nito na ang nasabing award na natanggap ni Filipina-British nurse May Parson ay iginagawad sa National Health Service (NHS).

Ayon pa dito, si May Parson ang naging representative ng NHS dahil ito umano ang pinaka unang nagturok ng COVID-19 vaccine sa buong mundo simula nang mag-rollout ng bakuna sa UK.

Matatandaan, na ang UK ang pinaka unang bansa sa mundo na nag-rollout ng bakuna laban sa COVID-19 pandemic.

Samantala, ayon pa kay O’Neill na ito pa lamang ang ikatlong beses na iginawad ang George Cross sa organisasyon.

Sa isinagawang seremonya, noong Hulyo 12, 2022 sa Windsor Castle, inilarawan ni Queen Elizabeth II na “amazing” ang vaccine effort na nagsimula noong Disyembre 08, 2020 sa nasabing bansa.

Sa kabila nito, si May Parson ay nursing graduate mula sa University of Santo Tomas at nagtrabaho sa UST Hospital bago lumipad patungo sa UK noong taong 2003.